Sa impounding area ang bagsak ng pitong mga high-end at luxury cars matapos ang isinagawang operasyon ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG), katuwang ang Land Transportation Office (LTO), sa isang gasoline station sa NLEX, Marilao, Bulacan noong gabi ng Nobyembre 18, 2025.
Sa ulat na natanggap ni HPG Spokesperson Police Lieutenant Nadame Malang mula sa isang informant, may kahina-hinalang mga sasakyan na nakaparada sa isang gasolinahan nang halos dalawang oras.
Noong bineripika ang mga ito, lumitaw na hindi ito nakarehistro, at may improvised at walang plaka ang mga sasakyang kinabibilangan ng isang Ferrari, dalawang Nissan GTR, isang Toyota Supra, isang Toyota Land Cruiser, isang Maserati, at isang BMW na agad namang inisyuhan ng LTO ng violation tickets.
Ayon kay PLt Malang, iniimbestigahan pa nila ang posibleng koneksyon ng mga sasakyan sa mga Discaya, na umano’y tahimik na nagdi-dispose ng kanilang mga sasakyan sa gitna ng anumalya kaugnay sa mga smuggled luxury cars.
Samantala, binigyang diin naman ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na hindi masama ang magmay-ari ng mga luxury sports cars basta siguraduhing nakarehistro ang mga ito.
Source: 7 sports car inimpound ng HPG, LTO | Pilipino Star Ngayon



