Huli ang tatlong drug suspects, kabilang ang dalawang High Value Individuals (HVI) at isang Street Level Individual (SLI), sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng Calamba City Police Station sa Calamba City noong Nobyembre 18 at 19, 2025.
Ang unang operasyon ay naganap sa Purok 1, Barangay Parian, Calamba City dakong 8:38 ng gabi noong Nobyembre 18, 2025, kung saan nadakip ang isang HVI na nakilalang si alyas “Allan,” 50, residente ng Barangay Pulo, Cabuyao City, at isang SLI na si alyas “Jerralyn,” 27, ng Sitio Tibag, Barangay Dos, Calamba City.
Nakumpiska mula kay “Allan” ang 4 na heat-sealed sachets ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 60 gramo at may Standard Drug Price na Php407,000, kasama ang isang mobile phone at iba pang personal na gamit.
Samantala, narekober mula kay “Jerralyn” ang isang Php500 buy-bust money at isang Php500 recovered money.
Samantala, sa ikalawang operasyon dakong 12:20 ng madaling araw noong Nobyembre 19, 2025, naaresto ang isa pang HVI na nakilalang si alyas “Leo,” 52, sa Sitio Majada-in, Barangay Canlubang, Calamba City.
Narekober mula sa kanya ang 6 na heat-sealed sachets ng hinihinalang shabu na tinatayang 20 gramo, na may Standard Drug Price na Php136,000, buy-bust money, at iba pang gamit.
Nahaharap ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Pinuri naman ni PBGen Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4A, ang operatiba sa matagumpay na operasyon at muling iginiit ang kanilang kampanya kontra iligal na droga sa CALABARZON.



