PRO 5: Halos 3,000 Pulis, ipapakalat para sa ligtas na paggunita ng “Undas”

0
674

Tinatayang halos 3,000 pulis mula sa Police Regional Office 5 (PRO 5) ang ipapakalat sa buong rehiyon ng Bicol upang tiyakin ang maayos, mapayapa, at ligtas na paggunita ng Undas 2025 sa darating na Nobyembre 1 at 2.

Ang malawakang deployment ng mga tauhan ay bahagi ng paghahanda ng PRO 5 sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo, simbahan, terminals, at iba pang matataong lugar kaugnay ng taunang pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay.

Ayon kay Police Brigadier General Nestor Babagay Jr., Regional Director ng PRO 5, nakahanda ang buong pwersa ng kapulisan sa Bicol upang magbigay ng seguridad, tulong, at proteksyon sa publiko sa panahon ng Undas.

“We are not just deploying numbers. We are deploying commitment, discipline, and dedication. Our officers are ready to serve and protect, respond to any situation, and ensure that our communities can commemorate Undas peacefully and safely,” saad ng Director.

Batay sa pagtataya, may kabuuang 1,491 na pulis ang itatalaga sa mga Police Assistance Desks na ilalagay sa mga sementeryo at memorial parks; 479 naman ang magbabantay sa mga pangunahing lansangan at kalsada sa pamamagitan ng Motorist Assistance Desks; 192 ang itatalaga sa mga terminal ng bus, paliparan, at pantalan; habang ang natitirang mga tauhan ay ipakakalat sa mga simbahan, lugar ng pamamanata, at pangunahing destinasyong panturista sa rehiyon.

Hangad ng pamunuan ng PRO 5 na matiyak ang maayos at mapayapang paggunita ng Undas sa rehiyon sa pamamagitan ng paghahatid ng agarang tulong at gabay sa publiko, pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga motorista, at pagpapanatili ng kaayusan at seguridad upang maiwasan ang anumang abala sa mga biyahero at deboto.