Halos isang milyong pisong halaga ng shabu ang nasabat ng mga pulis sa isang operasyon kung saan apat na magkakapamilya ang naaresto matapos mabistong sangkot sa bentahan ng ilegal na droga sa Zone 2, Barangay San Juan, Molo District, Iloilo City nito lamang ika-24 ng Oktubre 2025.
Positibong kinilala ang mga suspek na magkapatid na sina alyas “Bon-bon”, 34-anyos; alyas “Ron-Ron”, 29-anyos; at ang kanilang mga pinsan na sina alyas “Raymund”, 23-anyos, at alyas “Jayson”, 21-anyos, pawang residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Police Major Marvin Villanueva, Deputy Chief ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 (RPDEU-6), unang nabilhan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu si alyas Mark sa halagang Php12,000 na marked money.

Sa isinagawang operasyon, narekober mula sa mga suspek ang 8 maliit, 4 malalaking sachet, at 2 knot plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit kumulang 135 gramo at may tinatayang halagang Php918,000 sa merkado.
Nakumpiska rin ang iba pang mga non-drug items na ginamit umano sa kanilang ilegal na gawain.
Batay sa ulat, halos isang buwan na mino-monitor ng mga operatiba ang grupo bago isinagawa ang operasyon.
Lumalabas din sa imbestigasyon na si alyas Bon-bon ang itinuturing pangunahing sangkot sa ilegal na aktibidad, kasama ang kanyang mga kapamilya.
Ang mga nadakip ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang tagumpay ng operasyon ay isa lamang sa mga hakbang ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa patuloy na kampanya kontra ilegal na droga sa buong Western Visayas, alinsunod sa direktiba ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant Jose Melencio C Nartatez Jr, para sa hangaring Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.
Source: K5 News FM Iloilo FB Page

