Lalaking nagpaputok ng baril, arestado sa Roxas; loose firearm, nasamsam

0
916

Naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki sa Barangay Abaroan, Roxas, Palawan matapos umano itong magpaputok ng baril nang walang pahintulot noong ika-6 ng Oktubre 2025.

Ayon sa ulat ng Roxas Municipal Police Station, dakong alas-11:00 ng gabi nang maaresto ang suspek sa Purok Maagap matapos makatanggap ng tawag sa cellphone ang istasyon bandang alas-10:30 ng gabi hinggil sa umano’y insidente ng pagpapaputok ng baril sa naturang lugar. Agad na rumesponde ang team na pinamunuan ni PLt Daniel A. Arevalo, Deputy Chief of Police, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Nasamsam mula sa pag-iingat ng suspek ang isang yunit ng 9mm caliber pistol (China brand), dalawang 9mm magasin, 22 bala ng 9mm, isang blue Hello Kitty coin purse, at isang fired cartridge case ng parehong kalibre.

Sa beripikasyon ng mga pulis, nabigo ang suspek na magpakita ng anumang dokumento o lisensya na magpapatunay ng legal na pagmamay-ari ng naturang baril at bala.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.

Ayon kay PCpt Marvin R. Herrera, Officer-in-Charge ng Roxas MPS, ang mabilis na pagresponde ng mga pulis sa insidente ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan. Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang panawagan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang mga insidente ng karahasan at mapanatiling ligtas ang buong komunidad.

Source: Roxas MPS Palawan

Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla