QCPD, nagsagawa ng Disaster Preparedness, Search, Rescue and Retrieval Operations Training

0
798

Nagsagawa ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ng pamumuno ni Police Colon Randy Glenn Silvio, Acting District Director, ang patuloy nitong dedikasyon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng Disaster Preparedness and Search, Rescue, and Retrieval Operations Training na isinagawa nito lamang Lunes, Oktubre 6, 2025 ganap na 8:30 ng umaga sa Dionicia Garden Resort, Barangay Tandang Sora, Quezon City.

Ang nasabing pagsasanay ay pinangunahan ng QCPD Training Personnel sa pakikipagtulungan ng mga tauhan mula sa Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), na nagsagawa ng serye ng mga lektura at aktuwal na demonstrasyon hinggil sa water survival techniques, search and rescue operations, at mga basic first aid procedures.

Humigit-kumulang 40 kalahok mula sa iba’t ibang yunit ng QCPD ang sumailalim sa nasabing pagsasanay.

Layunin nitong paigtingin ang kahandaan ng mga pulis sa panahon ng kalamidad, at mas palawakin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pagtugon sa mga emerhensiya gaya ng baha, lindol, at iba pang sakuna.

Ayon kay PCol Silvio, ang ganitong uri ng inisyatiba ay patunay ng kahandaan ng QCPD hindi lamang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kundi maging sa pagbibigay ng mabilis at epektibong tulong sa mga mamamayan tuwing may sakuna o kalamidad.

“Mahalagang maging handa ang ating mga tauhan sa lahat ng pagkakataon—hindi lamang sa operasyon laban sa kriminalidad kundi pati na rin sa pagtugon sa mga kalamidad. Ang ganitong pagsasanay ay nagbibigay sa kanila ng tamang kaalaman at kumpiyansa upang makapagligtas ng buhay,” pahayag ni PCol Silvio.

Nagpasalamat din ang pamunuan ng QCPD sa BFP Quezon City sa patuloy na pakikipagtulungan at pagbabahagi ng kanilang kaalaman sa mga kapulisan, bilang katuwang sa layuning mapanatiling ligtas at handa ang bawat komunidad sa anumang sakuna.

Sa pamamagitan ng ganitong mga pagsasanay, muling pinatutunayan ng QCPD ang kanilang di matatawarang malasakit at dedikasyon sa tungkulin ang maglingkod, magtanggol, at magligtas para sa kapakanan ng sambayanan.

Source: QCPD

Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos