Php3.7M halaga ng shabu, nasamsam sa Davao City; estudyante, timbog

0
858

Timbog ang isang 31-anyos na estudyante sa ikinasang checkpoint operation ng mga awtoridad matapos mahulihan ng tinatayang 552.5 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na humigit-kumulang Php3,757,000 sa Sirawan, Toril, Davao City nito lamang Oktubre 5, 2025.

Kinilala ni Police Brigadier General Joseph R Arguelles, Regional Director ng Police Regional Office 11, ang suspek na si alyas “Jade” at residente ng Magsaysay, Carmen, Davao del Norte.

Ayon sa ulat, habang isinasagawa ang regular na inspeksyon sa mga pasahero ng isang pampasaherong bus, napansin ng isang duty personnel ng Task Force Davao na nakatalaga sa x-ray scanner, ang isang plastic sachet na nahulog sa sahig.

Agad itong nakatawag ng atensyon ng mga awtoridad at dahil sa kahina-hinalang kilos ng suspek na labis na kabado at balisa.

Nang lapitan ng isang personnel ang suspek ay agad nakita ang nahulog na hinihinalang shabu at nang tanungin at kapkapan ito, ay nadiskubre pa ang ilang sachets na nakatago sa kanyang baywang.

Kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang kakaharapin ng suspek.

Patuloy naman ang paalala ng Davao City PNP sa publiko na maging mapagmatyag at makiisa sa kampanya kontra iligal na droga upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa rehiyon.

Panulat ni Patrolwoman Shairra Rose A Aquino