Higit Php1.2M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasabat ng Maritime Group sa Zamboanga

0
722

Nasabat ang mahigit Php1.2 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo mula sa dalawang lalaki sa isinagawang operasyon ng Zamboanga City Maritime Police Station (ZC MARPSTA) katuwang ang 1st Special Operations Unit – Sea-Based Component (Basilan) bandang 12:53 ng madaling araw ng ika-27 ng Agosto 2025 sa Veterans Avenue Extension, Zamboanga City.

Sa isinagawang checkpoint, naharang ang isang wing van truck na minamaneho ng isa sa dalawang inaresto na naglalaman ng 1,070 reams ng iba’t ibang brand ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo, na walang kaukulang tax stamp at label mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng humigit kumulang sa Php1,227,210.00.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Egin,” 49 taong gulang, at “JP,” 34 taong gulang, na pareho umanong empleyado ng isang logistics company.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10643 o “Graphic Health Warnings Law” at Republic Act 10863 o “Customs Modernization and Tariff Act”.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, patuloy din ang pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa iligal na produkto—lalo na yaong mga hindi sumusunod sa batas at maaaring makasama sa kalusugan ng publiko—na siyang nagpapakita ng matatag na koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mamamayan laban sa mga mapanlinlang at iligal na kalakaran.

Panulat ni Pat Jeanno Jay T Santos