Php21M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasabat ng PRO 9 sa Zamboanga City

0
657

Nasabat ng Police Regional Office (PRO) 9, kasama ang mga tauhan ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company at ng Bureau of Customs ang mga smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng Php21,011,910 sa isinagawang seaborne operation sa karagatan malapit sa Sta. Cruz Island, Zamboanga City, nito lamang Agosto 19, 2025 bandang 3:20 ng madaling araw.

Nasabat ang isang motorboat na lokal na kilala bilang “Jungkung” na kargado ng hindi dokumentadong sigarilyo.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng limang indibidwal, lahat residente ng Barangay Mariki, Zamboanga City.

Narekober din ang 185 master cases ng Bravo (Red), 100 master cases ng Champion (Menthol), 62 master cases ng Cannon (Menthol), 10 master cases ng Berlin (Red), 5 master cases ng Fort (Menthol), 2 master cases ng L3 (Menthol), 2 master cases ng New RS (Menthol) at 35 reams ng Bravo (Red).

Sa kabuuan, 366 master cases at 35 reams ng iba’t ibang sigarilyo ang nakumpiska.

Pinuri naman ni Police Brigadier General Eleazar P. Matta, Regional Director ng PRO 9, ang matagumpay na operasyon at binigyang-diin ang dedikasyon ng mga law enforcement units sa pagbabantay sa hangganan ng Zamboanga Peninsula.

“Ang matagumpay na intersepsyon na ito ay patunay ng ating pinaigting na maritime security posture katuwang ang Bureau of Customs. Patuloy na magiging masigasig ang PRO 9 sa aming misyon na protektahan ang ating mga komunidad at tiyaking hindi magiging ligtas na kanlungan ng mga smuggler ang Zamboanga Peninsula,” ani PBGen Matta.

Panulat ni Patrolwoman Joyce Franco