High Value Target, arestado ng Pangasinan PNP sa Search Warrant Operation

0
680

Naaresto ng mga operatiba ng Pangasinan Police Provincial Office ang isang High Value Individual sa isinagawang search warrant operation kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” nito lamang Agosto 17, 2025.

Kinilala ang suspek na si alyas “Milo,” 39-anyos, residente ng Barangay Bayaoas, Urdaneta City, Pangasinan at kabilang sa Regional Priority High Value Target.

Dakong alas-diyes y medya ng gabi nang ikasa ng mga pinagsanib na pwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), PIU Pangasinan PPO, RPDEU-PRO1, PDEG SOU 1 at Urdaneta City Police Station ang search warrant na inilabas ng Regional Trial Court sa Urdaneta.

Nasamsam sa operasyon ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na tinatayang 60 gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php408,000, kasama ang ilang drug paraphernalia gaya ng aluminum foil at black pouch.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) ng RA 9165.

Patuloy namang nananawagan ang kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon, upang higit pang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa buong lalawigan ng Pangasinan.

Source: PDEU Pang PPO