Sa loob lamang ng tatlong minuto mula nang maireport ang insidente, matagumpay na naaresto ng Baliwag City Police Station ang isang lalaki na umano’y nanaksak at nang-hostage ng menor de edad sa Baliwag Public Market, Barangay Poblacion, Baliwag, Bulacan, bandang alas-1:35 ng madaling araw nitong Agosto 13, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Angel L Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang suspek na si Bryan Dasco y Dimacali, 46 taong gulang, mangingisda, at residente ng Barangay Poblacion, Baliwag City, Bulacan.
Batay sa imbestigasyon, armado ng kutsilyo, sinaksak umano ng suspek ang unang biktima na si Lady Lyn Viernes y Victorio, 25 taong gulang, habang naglalakad sa pasilyo ng palengke. Nagtamo ito ng sugat sa sentido ngunit nakatakas matapos makalaban.
Makalipas ang ilang sandali, tinarget naman ng suspek ang pangalawang biktima na si Benancio Dela Peña y Manlapaz, 48 taong gulang, isang security guard, na tinamaan ng saksak sa katawan. Tumakas ang suspek at dinakma ang isang menor de edad na kinilalang si Abdul Najib Najer y Camad, 16 taong gulang, at ginawa itong bihag.


Dakong alas-1:40 ng madaling araw ay natanggap ng pulisya ang ulat, at agad rumesponde ang team na pinamunuan ni Police Lieutenant Ariel G. Modelo, na nakarating sa lugar sa loob lamang ng tatlong minuto, pasok sa itinakdang 3–5 minute response time ng PNP. Sa isang tiyempo, mabilis na naagaw ni PMSg Damian ang kutsilyo at nasupil ang suspek, na nagligtas sa hostage mula sa posibleng mas matinding kapahamakan.
Dinala sa Baliwag CPS ang suspek para sa masusing imbestigasyon, habang isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang biktima. Inihahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa suspek na isasampa sa Provincial Prosecutor’s Office sa Lungsod ng Malolos.
Pinuri ang mabilis na tugon ng mga pulis na tumupad sa 3–5 minutong response time, na nagligtas sa mga biktima mula sa mas matinding kapahamakan. Ito ay alinsunod sa programa ng ating CPNP, Police General Nicolas D Torre III, hinggil sa swift response time.
Source: Bulacan PPO FB Page



