Lalaking viral sa social media, arestado sa kasong Robbery Snatching sa Sampaloc, Manila

0
1534

Arestado ang isang suspek sa kasong Robbery Snatching ng mga tauhan ng Manila Police District sa isinagawang follow-up operation matapos maging viral sa social media ang CCTV footage ng krimen nito lamang Martes, Hulyo 30, 2025

Kinilala ni Police Brigadier General Arnold E Abad, District Director ng MPD, ang naarestong suspek na si alyas “Lexter”, 20 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Barangay 432, Sampaloc, Manila.

Ayon kay PBGen Abad, naganap ang insidente noong Hulyo 28 bandang 3:00 ng hapon, sa kanto ng Lacson Avenue at J. Fajardo Street, Sampaloc, Manila kung saan hinablutan ng cellphone ang biktimang si alyas “Annalyn”, 46 taong gulang, packer, at residente ng Quiapo, Manila habang naka-duty bilang delivery helper.

Sa gitna ng biyahe ng kanilang delivery truck, bigla umanong sumulpot ang suspek at sapilitang inagaw ang cellphone na isang VIVO V11 Pro, kulay sky blue, na tinatayang nagkakahalaga ng Php9,000 at agad tumakas sa lugar ng insidente.

Ang pangyayari ay naitala at nai-report lamang sa barangay. Subalit, dahil sa CCTV footage ng Barangay 429 na ibinahagi sa social media, agad itong nag-viral at nakatulong sa mabilis na aksyon ng mga awtoridad.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Sector 3 sa pangunguna ni Police Lieutenant Mervin Sumang katuwang ang Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Maynila upang matunton ang biktima at maisampa ang pormal na reklamo.

Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery (Snatching).

Patuloy na pinangangalagaan ng Manila Police District ang kapakanan ng publiko sa pamamagitan ng mabilis at epektibong aksyon laban sa krimen.