Php367K halaga ng shabu, nasamsam sa buy-bust sa Bataan

0
580

Arestado ang tatlong indibidwal, kabilang ang isang High Value Individual (HVI) sa ikinasang buy-bust operation ng mga otoridad at nasamsam ang Php367,200 halaga ng shabu sa Sitio Kawayan, Barangay Tugatog, Orani, Bataan nito lamang Biyernes, ika-20 ng Hunyo 2025.

Ayon kay Police Colonel Marites A Salvadora, Provincial Director ng Bataan Police Provincial Office, positibong nabilhan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ng isang PNP poseur buyer ang mga suspek gamit ang isang piraso ng Php1,000 bilang marked money.

Sa isinagawang protective search, narekober mula sa HVI ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu at ang marked money.

Tinatayang nasa humigit-kumulang 54 gramo ang kabuuang nasamsam na hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php367,200 at iba pang non-drug evidence.

Kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang kakaharapin ng mga suspek.

“Ang Bataan Police Provincial Office ay patuloy na nagsusulong ng kampanya kontra ilegal na droga upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa lalawigan. Katuwang ang mamamayan, nananatili kaming tapat sa aming sinumpaang tungkulin para sa isang ligtas at drug-free na Bataan.” saad ni PCol Salvadora.