Umabot sa 8,839 ang mga wanted person na naaresto ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., sa buong bansa mula Oktubre 1 hanggang 31, 2026. Bunga ito ng patuloy na pagpapatupad ng mga warrant of arrest at pinaigting na operasyon ng kapulisan upang maiharap sa hukuman ang mga indibidwal na may kinakaharap na kaso alinsunod sa batas.
Batay sa ulat ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), kabilang sa kabuuang bilang ang 6,486 na Other Wanted Persons at 2,353 na Most Wanted Persons na naaresto sa iba’t ibang police region sa bansa.
Nanguna ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 1,641 na naaresto, sinundan ng Police Regional Office 3 (PRO3) na may 1,503 at PRO4A na may 1,317. Nag-ambag din ang iba pang police regional offices sa pamamagitan ng koordinadong operasyon at mas pinaigting na pagpapatupad ng mga warrant of arrest sa kani-kanilang nasasakupan.
Binigyang-diin ni PGen Nartatez na mahalagang agarang maaksyunan ang mga warrant of arrest upang maisulong ang mga nakabinbing kaso at matiyak na nabibigyan ng kaukulang proseso sa ilalim ng batas ang mga taong inaatasang humarap sa hukuman. “Kapag may warrant of arrest, kailangang kumilos ang ating mga pulis at tiyaking hindi napapabayaan ang mga kasong nakabinbin. We have to be consistent in following leads, coordinating with other units, and carrying out our responsibilities properly. At the same time, we must remember that every person we deal with is entitled to due process and fair treatment (Mahalagang maging maagap at tuloy-tuloy tayo sa pagsubaybay sa mga impormasyon, pakikipag-ugnayan sa iba pang yunit, at pagtupad sa ating mga responsibilidad. Higit sa lahat, dapat nating tiyakin na ang bawat indibidwal ay nabibigyan ng wastong proseso ng batas at patas na pagtrato),” aniya.
Patuloy na paiigtingin ng PNP ang pagpapatupad ng mga legal na warrant of arrest sa ilalim ng PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na nagtataguyod ng koordinasyon, pananagutan, at episyenteng operasyon. Kaakibat nito ang paninindigan ng organisasyon na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat pamayanan.
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1CY79JfD5H/)

