72,500 pulis, itinalaga sa buong bansa para sa ligtas at maayos na “Undas 2026”

0
62

Nagtalaga ang Philippine National Police (PNP) ng humigit-kumulang 72,500 pulis sa buong bansa upang tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa paggunita ng Undas 2026, sa pangunguna ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. Layunin ng deployment na mapalakas ang police visibility, matulungan ang mga biyahero at mga dumadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay, at matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko.

Saklaw ng operasyon ang 5,311 sementeryo, memorial park, at columbaria, gayundin ang mga transport terminal, pangunahing lansangan, lugar ng pagsamba, destinasyong panturista, checkpoint, at iba pang mataong lugar. Naglagay rin ang PNP ng 4,980 police assistance desk sa mga sementeryo at columbaria upang maging madaling malapitan ng publiko para sa tulong, pag-uulat ng mga insidente, at iba pang alalahanin.

Katuwang ng kapulisan sa pagpapanatili ng seguridad ang 16,892 tauhan mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard. Nakiisa rin ang 51,467 community force multiplier, gaya ng mga barangay tanod at radio group, kaya umabot sa humigit-kumulang 141,000 ang pinagsamang puwersang nakatalaga sa buong bansa.

Binigyang-diin ni PGen Nartatez na hindi lamang nakatuon ang deployment sa presensya ng mga pulis kundi higit sa kanilang kahandaang tumulong at umaksyon sa oras ng pangangailangan. Alinsunod sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO), bahagi ng PNP Focused Agenda, pinagtitibay ng operasyon ang estratehikong paglalagay ng mga tauhan at koordinasyon sa mga katuwang upang matugunan ang mga usapin sa daloy ng tao, trapiko, nawawalang indibidwal, at mga emergency.

Pinayuhan naman ang publiko na sumunod sa mga patakaran sa sementeryo at huwag magdala ng baril, armas, ilegal na droga, ipinagbabawal na alak, nasusunog na materyales, at iba pang ipinagbabawal na bagay. Pinapaalalahanan din ang mga biyahero na tiyaking ligtas ang kanilang tahanan at sasakyan bago bumiyahe, iwasang magmaneho nang pagod o nasa impluwensiya ng alak, gumamit ng lehitimong transportasyon, at ingatan ang mga personal na gamit. Anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency ay dapat agad iulat sa pinakamalapit na pulis o police assistance desk.

Hinikayat din ni PGen Nartatez ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan at iba pang responder, sapagkat ang ligtas at mapayapang Undas ay responsibilidad ng lahat. “We have put the personnel and resources in place, but we also need the public to do their part. A safe Undas is a shared responsibility. If we stay alert, follow the rules, and speak up when something needs attention, mas mabilis tayong makakakilos and we can help ensure that families can remember their loved ones with peace of mind” (Naitalaga na natin ang mga kinakailangang tauhan at inilaan ang mga kaukulang kagamitan, ngunit mahalaga ring gampanan ng publiko ang kanilang bahagi. Responsibilidad nating lahat ang pagpapanatili ng ligtas na paggunita sa Undas. Sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag, pagsunod sa mga alituntunin, at agarang pag-uulat sa mga bagay na nangangailangan ng pansin, mas mabilis tayong makakakilos at makatutulong upang makapaggunita ang mga pamilya sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay nang may kapanatagan ng loob), ani PGen Nartatez.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, patuloy na inilalapit ng PNP ang maagap at maaasahang serbisyong pulisya sa mga komunidad, kaakibat ng adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1LUkkuundY/)

Leave a Reply