69-anyos na lalaki, arestado ng Balungao PNP sa kasong rape

0
111

Matagumpay na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Balungao Municipal Police Station, sa ilalim ng pamumuno ni Police Major Maria Theresa R. Meimban, Chief of Police, katuwang ang Police Intelligence Team – Regional Intelligence Unit 1, ang isang 69-anyos na lalaki na nahaharap sa mga kasong rape. Isinagawa ang operasyon sa Brgy. Esmeralda, Balungao, Pangasinan, dakong alas-9:00 ng umaga noong Hulyo 6, 2026.

Ang akusado, na kilala sa alyas na “Tatay Ambo,” ay inaresto sa bisa ng mga warrant of arrest na inilabas ni Hon. Roselyn C. Andrada-Borja, Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 53, Rosales, Pangasinan, na may petsang Mayo 12, 2026.

Nahaharap ang akusado sa isang bilang ng kasong rape sa ilalim ng Criminal Case No. 8354-R at tatlong bilang ng rape sa ilalim ng Criminal Case Nos. 8355-R hanggang 8357-R, na pawang walang inirekomendang piyansa. Nahaharap din siya sa kasong Rape Through Sexual Assault sa ilalim ng Criminal Case No. 8358-R, na may itinakdang piyansa na nagkakahalaga ng Php200,000.

Matapos ang kanyang pagkakaaresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatan alinsunod sa umiiral na batas, at dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso bago iharap sa hukuman.

Muling pinagtitibay ng Balungao PNP ang kanilang patuloy na kampanya laban sa mga taong may kinahaharap na kaso sa batas at ang kanilang dedikasyon sa pagpapatupad ng hustisya upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan. Ito ay alinsunod sa PNP Focused Agenda ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. at sa adbokasiyang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source: Balungao MPS

Leave a Reply