3 CTG members, sumuko sa dalawang araw na operasyon ng PRO8

0
24

Boluntaryong sumuko sa Police Regional Office 8 (PRO-8), sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Jason L Capoy, Regional Director, ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) habang narekober naman ang ilang mga armas sa magkakahiwalay na anti-insurgency operation na isinagawa ng kapulisan sa Northern Samar at Eastern Samar nito lamang July 25–26, 2026.

Unang sumuko noong July 25 sa mga tauhan ng 2nd Northern Samar Police Mobile Force Company (NSPMFC), katuwang ang 78th Infantry Battalion, Philippine Army, si alyas “Bong,” isang 53-year-old na residente ng Pambujan, Northern Samar.  Siya ay dating miyembro ng Batakang Organisasyong Pampartido (BOP) sa ilalim ng pamumuno ni alyas “Basoy” ng Sub-Regional Committee (SRC) Emporium, Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).

Sa parehong araw, sumuko rin sa 803rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8 (RMFB-8), katuwang ang 19th Infantry Battalion, 8th Infantry Division, Philippine Army, at Mondragon Municipal Police Station (MPS), si alyas “Garry,” isang 35-year-old na residente naman ng Catarman, Northern Samar. Siya ay dati ring miyembro ng Squad 1, FC2, SRC Emporium, EVRPC, sa pangunguna ni alyas “Durok”.

Samantala, noong July 26, sa pangunguna ng 2nd Eastern Samar Police Mobile Force Company (ESPMFC), kasama ang Provincial Intelligence Unit (PIU), sumuko naman si alyas “Ben,” isang 61-year-old na residente ng Llorente, Eastern Samar, at dating miyembro ng Yunit Militia.

Kasunod ng kanyang pagsuko, tinulungan niya rin ang mga awtoridad upang marekober ang mga ibinaong armas kung saan narekober ng kapulisan ang anim na yunit ng 40 mm high-explosive grenade (M406A Type), ilang mga subversive documents, isang green ammunition pouch ng 40 mm grenades, at isang military-type 5.56-caliber ammunition storage box na may 800-round na kapasidad.

Lahat ng mga sumuko ay nasa kustodiya ng kani-kanilang mga istasyon para sa karagdagan pang mga dokumentasyon at kanilang posibleng enrollment sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

Alinsunod sa hangarin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” pinuri ni PBGen Capoy ang lahat ng mga operating units sa kanilang dedikasyon upang mapanatili ang kapayapaan sa buong rehiyon, partikular na sa mga kampanya upang masawata ang insersyon at terorismo.

“These successful surrenders reflect the growing number of individuals choosing peace over armed struggle. The recovery of the arms cache also weakens the remaining insurgents’ capability and helps protect our communities,” pahayag pa ni PBGen Capoy.

Leave a Reply