Nakiisa ang Revitalized-Pulis sa Barangay (R-PSB) Team ng 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company sa Bayanihan Upland Harvest Activity upang tulungan ang isang magsasaka sa Sitio Kampo 2, Purok Mauswagon, Barangay Kimarayag, Pigcawayan, North Cotabato noong Hulyo 14, 2026.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong tulungan ang magsasaka sa pag-aani ng upland rice matapos itong hindi makapagbayad ng mga manggagawang tutulong sa pag-aani ng kanyang pananim.
Boluntaryong naglaan ng oras at lakas ang mga miyembro ng R-PSB Team upang matiyak ang maayos at mabilis na pag-aani, habang nababawasan ang pasanin ng magsasaka.
Ayon sa 2nd Cotabato PMFC, ipinapakita ng naturang aktibidad ang patuloy na dedikasyon ng Philippine National Police sa pagbibigay ng tapat na serbisyo publiko at pagpapatibay ng ugnayan sa komunidad.
Binigyang-diin din na ang diwa ng bayanihan, malasakit, at bolunterismo ay mahalagang sangkap sa pagpapalakas ng tiwala at kooperasyon sa pagitan ng kapulisan at ng mamamayan.
Sa pamamagitan ng mga gawaing lampas sa pagpapatupad ng batas, patuloy na isinusulong ng 2nd Cotabato PMFC ang kultura ng pagtutulungan, pananagutan, at malasakit upang makatulong sa pagpapabuti ng kabuhayan at kapakanan ng mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



