Arestado ng mga tauhan ng Southern Police District ang 29 suspek sa ikinasang 24 oras na anti-crime operations mula 5:59 AM ng Oktubre 3 hanggang 6:00 AM ng Oktubre 4, 2025, sa iba’t ibang lungsod.
Sa mga operasyon laban sa iligal na droga, 10 katao ang naaresto at nakumpiska ang 13 gramo ng shabu at 1.46 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng Php88,575.20. Anim naman ang nahuli dahil sa iligal na sugal kung saan narekober ang Php658 na perang taya. Isa pang suspek ang nadakip sa operasyon laban sa mga iligal na baril, kung saan nasamsam din ang isang hindi lisensyadong armas.
Isinagawa rin ng mga awtoridad ang 12 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 12 wanted persons, kabilang ang dalawang Top Most Wanted, tatlong Most Wanted, at pitong iba pang Wanted Persons.
Kabilang sa mga naaresto si alyas “Tess”, Top 7 Most Wanted Person ng Muntinlupa City, na nadakip ng mga operatiba ng Taguig City Police sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Nahuli rin si alyas “Buboy”, Top 3 Most Wanted ng Las Piñas City, na may kinahaharap na mga kasong statutory rape, sexual assault, at acts of lasciviousness.
Ang tatlong iba pang Most Wanted Persons ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 9165, paglabag sa Traffic Code, at R.A. 9262 (Violence Against Women and Their Children). Samantala, ang pitong Other Wanted Persons ay inaresto sa mga kasong paglabag sa mga city ordinances, B.P. Blg. 22 (bouncing checks), theft, serious physical injuries, pagtulog sa bangketa, paglabag sa R.A. 9165, at traffic code violations.
Para naman sa mga lumabag sa lokal na ordinansa, 4,189 katao ang na-aresto na nagresulta sa Php428,350.00 na nakolektang multa.
Pinuri ni Acting District Director Police Brigadier General Randy Y. Arceo ang matagumpay na operasyon at binigyang-diin na patunay ito ng walang tigil na kampanya ng SPD laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
“Ipinapakita ng mga tagumpay na ito na seryoso ang Southern Police District sa pagpapatupad ng batas at sa paglaban sa kriminalidad. Ang pagkakaaresto ng mga notoryus na wanted persons sa loob lamang ng isang araw ay malinaw na mensaheng walang makatatakas sa batas. Bawat operasyon ay tagumpay para sa ating komunidad at hakbang tungo sa mas ligtas na Southern Metro,” pahayag ni PBGen Arceo.
Source: SPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos



