22 Indibidwal, kabilang ang 5 bata, nasagip sa Anti-Human Trafficking Operation sa Bongao, Tawi-Tawi

0
995

Nasagip ng mga awtoridad ang 22 katao kabilang ang limang menor de edad sa isang matagumpay na operasyon kontra human trafficking noong ika-28 ng Agosto 2025 sa Port of Bongao, Tawi-Tawi.

Pinangunahan ng Tawi-Tawi Maritime Police Station (MARPSTA) ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang sangay ng gobyerno at mga ahensyang nagpapatupad ng batas, matapos makatanggap ng ulat mula sa isang impormante na may mga pasaherong patungong Malaysia sa pamamagitan ng iligal na ruta o backdoor entry.

Sa isinagawang pagberepika ng pagkakakilanlan sa mga pasahero ng isang barkong mula sa Zamboanga City, napansin ng mga awtoridad na ilang indibidwal ay balisa at hindi makasagot ng maayos sa mga tanong.

Dinala sila sa himpilan ng Tawi-Tawi MARPSTA para sa masusing beripikasyon at imbestigasyon.

Lumabas sa imbestigasyon na wala silang legal na dokumento at inaming nagbabalak tumungo sa iba’t ibang lugar sa Malaysia gaya ng Sempornah, Kunnak, Kota Kinabalu, Segama Lahad Datu, at Pangkalakan.

Ang kanilang biyahe ay inorganisa umano ng mga pinoy na walang kaukulang dokumento sa nasabing bansa na kinilala sa alyas na “Usman,” “Riza Balucan,” “Jomar Tabor,” “Naning,” at “Talib.”

Ilan sa mga biktima ay kasama pa ang kanilang mga anak o menor de edad na kamag-anak, na balak din nilang isama sa paninirahan sa Malaysia.

Matapos ang imbestigasyon, sila ay inilipat sa pangangalaga ng Ministry of Social Services and Development Office sa Bongao para sa counselling at iba pang tulong.

Patuloy ang paalala ng PNP Maritime Group sa publiko na maging mapanuri sa mga alok na trabaho sa ibang bansa, lalo na kung walang malinaw na dokumento. Agad i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay sa human trafficking.

Panulat ni Pat Jeanno Jay T Santos