Matagumpay na naaresto ng mga awtoridad ang dalawang wanted na indibidwal sa magkakahiwalay na manhunt operation na isinagawa sa mga bayan ng San Lorenzo Ruiz at Daet sa Camarines Norte nitong gabi ng Mayo 13, 2026.
Sa bayan ng San Lorenzo Ruiz, bandang alas-10:45 ng gabi nang maaresto ang isang lalaking kinilala sa alyas na “Kaloy” sa bisa ng Warrant of Arrest dahil sa paglabag sa Section 10 (A) ng Republic Act No. 7610.
Pinangunahan ang operasyon ng San Lorenzo Ruiz Municipal Police Station sa pamumuno ni PCpt Mark Anthony C Armea, Officer-in-Charge, katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group Camarines Norte Field Unit, Camarines Norte Provincial Intelligence Unit, at 1st Camarines Norte Provincial Mobile Force Company.
Samantala, bandang alas 11:00 naman ng gabi nang maaresto sa Brgy. Camambugan, Daet, ang isang lalaking kinilala sa alyas “Don,” 51 taong gulang, may asawa, at residente ng nasabing lugar, dahil naman sa kasong paglabag sa Section 5 (i) ng Republic Act No. 9262.
Ang operasyon ay matagumpay na isinagawa ng tracker team ng Daet Municipal Police Station, katuwang ang CIDG Camarines Norte PFU bilang lead unit, Camarines Norte Provincial Highway Patrol Team, Camarines Norte 1st Provincial Mobile Force Company, at tracker team ng 503rd MC RMFB.
Kaugnay nito, muling nananawagan ang Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa publiko na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan at pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad.
Pinagtitibay din ng kapulisan ang kanilang walang humpay na pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mamamayan sa lalawigan ng Camarines Norte alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”



