2 Most Wanted Persons sa kasong lascivious conduct at sexual assault, arestado sa one-day manhunt operations

0
30

Dalawang Most Wanted Persons (MWPs) ang matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) sa magkahiwalay na manhunt operations sa Ifugao at Kalinga noong Agosto 10, 2026. Kabilang sa mga naaresto ang Rank 7 Regional MWP at Rank Provincial MWP ng Kalinga para sa ikatlong quarter ng 2026.

Sa Barangay Halag, Aguinaldo, Ifugao, naaresto ang 45-anyos na Rank 7 Regional MWP sa bisa ng warrant of arrest para sa dalawang counts ng Sexual Assault. Isinagawa ang operasyon ng magkasanib na puwersa ng Aguinaldo Municipal Police Station, 2nd Ifugao Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit ng Ifugao Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion 15 at Regional Intelligence Unit-14.

Samantala, naaresto naman sa Barangay Bulanao, Tabuk City ang 49-anyos na Rank 2 Provincial MWP ng Kalinga. Pinangunahan ito ng Lubuagan Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit ng Kalinga PPO at Regional Intelligence Unit-14 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Hunyo 25, 2025, kaugnay ng kasong Lascivious Conduct sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang naaresto para sa kaukulang dokumentasyon bago i-turn over sa mga kinauukulang korte.

Patunay ang matagumpay na one-day manhunt operation sa patuloy na pagsisikap ng PRO CAR na tugisin ang mga wanted person at palakasin ang seguridad ng komunidad, maging sa kabila ng masamang panahon, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO CAR

Leave a Reply