Arestado ang dalawang lalaki na nangholdap sa isang hotel staff at miyembro ng Jepoy Criminal Gang ng mga operatiba ng Quezon City Police District nito lamang madaling araw ng Huwebes, Pebrero 19, 2026 sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ni Police Brigadier General Randy Glenn Silvio, District Director ng QCPD, ang suspek na sina alyas “Marvin”, 33, residente ng Brgy. Sta Monica, Novaliches, at alyas “Dandevon”, 23 anyos, ng Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Nabatid na pinasok ng mga suspek ang isang hotel sa Brgy. Nova Proper, Novaliches, at tumuloy sa ikalawang palapag. Hinarang ito ng isang receptionist at hiniling na bumalik sa lobby para magbayad sa paniniwalang sila ay nagche-check in.
Pero biglang sinakal at tinutukan ng baril ni Dandevon ang receptionist at habang nagdeklara ng hold-up si Marvin.
Kinuha ni Marvin ang belt bag ng biktima, itinali ang mga kamay ng plastic straw, at ipinasok sa isang silid saka tumakas ang dalawa.
Agad ding ini-report ang insidente sa QCPD Police Station 4, at sa follow-up operation ay naaresto ang mga suspek alas-4:30 ng hapon ng araw ding iyon sa Damong Maliit Road, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, sa lungsod.
Narekober sa mga suspek ang PhilHealth ID ng biktima at isang mala-Glock na replica pellet gun at nahaharap sa kasong Robbery (Hold-Up), habang si alyas “Dandevon” ay mahaharap sa karagdagang kaso para sa paglabag sa R.A. 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Patuloy ang QCPD sa pagsiguro ng kaayusan at katahimikan sa lungsod sa tulong at kooperasyon ng bawat QCitizen tungo sa pagkamit ng kaunlaran.
Source: https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/metro/2026/02/22/2509574/2-holdaper-ng-hotel-staff-timbog

