2 menor de edad na estudyante, nahuhulihan ng baril at patalim sa paaralan sa Aparri

0
243

Nahulihan ng baril at patalim ang dalawang menor de edad na estudyante sa loob ng Aparri School of Arts and Trade (ASAT), Aparri, Cagayan noong Hunyo 26, 2026.

Batay sa ulat, nagsasagawa ng visibility patrol ang mga tauhan ng 1st Mobile Force Platoon, 2nd Provincial Mobile Force Company sa paligid ng paaralan at makikipag-ugnayan na rin sana sa punong-guro kaugnay ng nakatakdang Anti-Bullying lecture. Pagdating nila sa opisina ng punong-guro, nadatnan nila ang tatlong mag-aaral na ipinatawag dahil sa umano’y pagkakasangkot sa isang komosyon.

Bilang bahagi ng school security at precautionary measures, hiniling ng punong-guro sa mga mag-aaral na ipakita ang laman ng kanilang mga bag. Sa isinagawang inspeksyon, nakumpiska ang isang kalibre .38 revolver na may dalawang bala mula sa isang 15-anyos na Grade 10 na estudyante, habang isang kutsilyo naman ang narekober mula sa isang 14-anyos na Grade 8 na estudyante. Samantala, ang ikatlong mag-aaral na kasama nila ay walang nakumpiskang ilegal na kagamitan.

Matapos ang insidente, ipinatawag ang mga magulang ng mga menor de edad na sangkot habang nakipag-ugnayan ang mga pulis sa Aparri Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon alinsunod sa umiiral na batas at mga patakaran sa paghawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga Children in Conflict with the Law (CICL).

Ang insidenteng ito ay nagpapatunay sa kahalagahan ng mahigpit na koordinasyon ng kapulisan at mga paaralan sa pagpapatupad ng mga hakbang na pangseguridad upang mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng mga paaralan. Patuloy na isusulong ng PRO2 ang paghahatid ng ‘Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman’ na adhikain ng pambansang pulisya upang matiyak na ang bawat paaralan ay nananatiling ligtas, payapa, at sentro ng pag-asa para sa mga kabataan.

Source: Police Regional Office 2

Leave a Reply