2 Katao, arestado sa Masbate; mga baril at patalim, nasamsam

0
698

Naaresto ng mga pulis ang dalawang lalaki sa bayan ng Aroroy, Masbate matapos mahulihan ng baril, bala at mga patalim sa loob ng isang KTV bar sa Barangay Baga-uma nitong gabi ng Martes, Agosto 26, 2025.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Aroroy Municipal Police Station matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa presensya ng mga armadong indibidwal.

Kinilala ni Police Colonel Jefferson B Araojo, Provincial Director ng Masbate PPO, ang mga nadakip na sina alyas “Bert”, 24, binata at residente ng Barangay San Isidro, at alyas “Enzo”, 24, magsasaka mula sa Barangay Lanang, kapwa taga-Aroroy.

Sa isinagawang inspeksyon, nakuha kay “Bert” ang isang cal. 45 pistol na may tatlong bala, habang kay “Enzo” naman ay narekober ang isang magasin na may walong bala at dalawang patalim.

Nabigo ang dalawa na magpakita ng kaukulang dokumento para sa pagmamay-ari at pagdadala ng nasabing mga armas.

Agad dinala sa Aroroy MPS ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso. Kaugnay nito, muling nanawagan ang pamunuan ng PNP Masbate sa publiko na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang katahimikan at seguridad sa lalawigan.

Source: Masbate PPO

Panulat ni PSSg Mercolito P Lovendino Jr