Dalawampung loose firearms at anim na bala ang boluntaryong isinuko ng mga residente ng Valderrama sa pamamagitan ng kanilang mga punong barangay sa Valderrama, Antique, bunga ng pinaigting na Police Community Relations at community engagement efforts ng Valderrama Municipal Police Station (MPS).
Isinagawa ang turnover dakong 1:30 ng hapon noong Agosto 14, 2026 sa Villa Valderrama Mountain Resort, Brgy. Binanogan, Valderrama, Antique, kasabay ng pagbisita ni PCOL Ryan A Devaras, Provincial Director, Antique Police Provincial Office, para sa aktibidad na “Istoryahi Si PD.”
Sa naturang aktibidad, inilahad ng Valderrama MPS ang mga accomplishment nito sa pagpapatupad ng mga community-based initiatives laban sa paglaganap ng loose firearms.
Sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng Valderrama MPS sa mga barangay, 17 Punong Barangay ang naging katuwang sa paghikayat sa kanilang mga nasasakupan na boluntaryong isuko ang mga hindi lisensiyadong armas.
Kabilang sa mga isinuko ang walong homemade long-barreled bolt-action shotguns, sampung caliber .38 revolvers, at dalawang caliber .22 Magnum firearms, kasama ang anim na bala.
Ang mga nakolektang armas at bala ay pansamantalang nasa kustodiya ng Valderrama MPS at nakatakdang i-turn over sa Antique PPO para sa kaukulang disposisyon.
Ayon kay PRO6 Regional Director Police Brigadier General Randulf T Tuaño, ang aktibong pakikiisa ng mga barangay at mamamayan ay mahalagang bahagi ng kampanya laban sa loose firearms upang maiwasang magamit ang mga ito sa krimen at iba pang insidenteng maaaring magbanta sa kapayapaan at seguridad.
“Ang boluntaryong pagsuko ng 20 loose firearms ay patunay ng tiwala at pagkakaisa ng kapulisan at komunidad. Pinahahalagahan natin ang ating mga Punong Barangay na nagsisilbing katuwang sa paghikayat sa mga mamamayan na isuko ang mga armas na maaaring magdulot ng panganib,” ani PBGen Tuaño.
“Ang bawat baril na kusang isinusuko ay isang panganib na naaalis sa komunidad. Patuloy nating palalakasin ang community engagement upang maiwasan ang krimen at maprotektahan ang buhay ng ating mga mamamayan,” dagdag pa niya.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1cvQL3pSy7/?mibextid=wwXIfr



