Sa patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, matagumpay na nagsagawa ng magkakahiwalay na operasyon ang Bulacan Police Provincial Office noong Pebrero 16, 2026 na nagresulta sa pagkakaaresto ng labing-anim (16) na indibidwal at pagkakakumpiska ng hinihinalang shabu sa mga bayan ng Plaridel at San Miguel, Bulacan.
Ayon sa ulat ni PLtCol Restituto E Granil, ACOP ng Plaridel Municipal Police Station (MPS), isang (1) suspek ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Brgy. Sta. Ines, Plaridel, Bulacan bandang alas-1:00 ng madaling araw ng Pebrero 16, 2026. Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong (3) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item, isang (1) pirasong limang-daang pisong marked money, at isang (1) motorsiklo na ginamit sa ilegal na transaksyon. Tinatayang may kabuuang bigat na humigit-kumulang 3 gramo ang nakumpiskang droga na may standard drug price na Php20,400.

Sa isang operasyon pa rin sa bayan ng Plaridel, labintatlong (13) indibidwal ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Lagundi, Plaridel, Bulacan bandang alas-5:15 ng madaling araw. Dalawa (2) sa mga suspek ang nahuli sa aktong pagbebenta ng ilegal na droga, habang tatlo (3) ang naaresto dahil sa ilegal na pag-iingat ng hinihinalang shabu. Samantala, walong (8 ) indibidwal ang naabutan sa loob ng isang pribadong bahay na ginagamit umano bilang drug den at nahuling gumagamit ng ilegal na droga, kung saan nakumpiska rin ang hinihinalang shabu na may tinatayang humigit kumulang 6 na gramo na may tinatayang halaga na Php 40,800 at iba’t ibang drug paraphernalia.

Samantala, ayon kay PLtCol Voltaire C Rivera, ACOP ng San Miguel Municipal Police Station (MPS), dalawang (2) suspek ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan bandang alas-1:40 ng madaling araw. Nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang pitong (7) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng Php 27,200, kabilang ang buy-bust item, at isang (1) pirasong limang-daang pisong marked money na ginamit sa operasyon.
Ang lahat ng mga naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya habang inihahanda ang mga kaukulang kaso para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isasailalim sa pagsusuri ng Bulacan Provincial Forensic Unit.
Mula sa pahayag ni PCol Angel L Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang sunod-sunod na matagumpay na operasyon ay patunay ng walang humpay na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga. “Mananatiling matatag ang ating kampanya laban sa ilegal na droga. Hindi tayo titigil sa pagsasagawa ng mga operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat mamamayan sa lalawigan ng Bulacan.”
Source: Bulacan PPO / https://www.facebook.com/share/p/17vie8nd6v/



