Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa pamumuno ni PBGen Christopher N Abrahano, Officer-in-Charge ng NCRPO na ang presensya ng pulisya sa Metro Manila para sa mga aktibidad kaugnay ng “54th Martial Law Commemoration” sa Setyembre 21 ay nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan habang iginagalang ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag.
Aabot sa 15,746 pulis ang itinalaga ng NCRPO sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region bilang paghahanda sa mga inaasahang kilos-protesta at iba pang aktibidad. Kabilang sa mga pagtutuunan ng seguridad ang mga pangunahing convergence areas, lansangan, pasilidad ng pamahalaan at mga lugar na maaaring pagdausan ng mga pagtitipon.
Ayon kay PBGen Abrahano, nakabatay ang deployment sa operational requirements, mga rutang gagamitin, sitwasyon ng trapiko at public safety, gayundin sa pangangailangang magkaroon ng sapat na tauhan na agarang makatutugon sa anumang insidente.
Binigyang-diin ni Abrahano na hindi dapat masukat sa dami ng nakikitang pulis sa mga lansangan ang tagumpay ng deployment, kundi sa kakayahan nitong mapanatili ang kaligtasan ng publiko at matiyak na naisasagawa ang mga karapatang konstitusyonal nang maayos at mapayapa.
Sa kabila ng pinaigting na paghahanda, sinabi ng NCRPO na wala pa itong namomonitor na partikular na banta sa seguridad na nagpapahiwatig ng planong paghadlang sa mapayapang paggunita. Gayunman, patuloy ang intelligence monitoring, validation ng impormasyon at koordinasyon sa mga kinauukulang stakeholder upang matugunan agad ang anumang posibleng banta.
Inatasan naman ang mga pulis na magpatupad ng maximum tolerance, propesyonalismo at pagpipigil sa sarili, gayundin ang paggalang sa karapatang pantao sa buong panahon ng kanilang deployment. Isinagawa rin ng NCRPO ang walkthrough at ocular inspection sa mga pangunahing lugar sa Maynila at Quezon City bilang bahagi ng paghahanda sa mga aktibidad sa Setyembre 21.
Kasabay nito, nanawagan si Abrahano sa mga organizer at kalahok ng mga kilos-protesta na panatilihing mapayapa at maayos ang kanilang mga aktibidad at tumulong na maiwasan ang anumang insidenteng maaaring magdulot ng panganib sa kapwa demonstrador, pulis, motorista, commuter at mga residente. Aniya, layunin ng NCRPO na tiyaking ligtas na maisasagawa ng publiko ang kanilang karapatang magpahayag.
Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1F7ZbJj89f/)

