Magpapatupad na ng curfew and Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa lahat ng mga kabataan na may edad 18-anyos pababa simula 10:00 ng gabi sa lahat ng mga lansangan ng Metro Manila.
“Kapag hindi nag-aaral o nagtatrabaho, proof of employment or education na nag-aaral sa oras na ‘yon na pauwi kayo, bawal na kayo sa kalye after 10 p.m.,” pahayag pa ni DILG Secretary Jonvic Remulla.
Dagdag pa ng Sec Remulla na kasama sa dadamputin ng mga awtoridad ang mga tinaguriang ‘Rugby boys’ at ‘geng geng’ kung saan sinabi pa niya na “bilang na araw n’yo!” na palagiang nakikitang nagkalat sa mga lansangan sa disoras ng gabi.
Saad pa ni Sec Remulla, na huhulihin ang lahat ng mga naglipanang minor na matagpuang nasa labas ng kanilang tahanan kaugnay ng curfew. Binigyang diin ni Remulla na ipinatutupad ang curfew bilang bahagi ng kampanya ng DILG at PNP para sa isang “Safer Metro Manila Plan,” na layong mabigyan ng isang ligtas na komunidad ang lahat ng mga mamamayan.
Nabatid na paiigtingin ng pulisya ang pagpapatrolya lalo na sa mga high-traffic nightlife districts. Nilinaw din ni DILG Sec. Remulla na makaraan ang 10:00 ng gabi ay bawal na ang inuman at sugal sa alinmang pampublikong lugar.
Ang mga nabigyan lamang ng barangay permit ang exempted dito para isagawa ang kanilang aktibidad o fiesta.
“Bibigyan natin ng exception kung fiesta, may barangay permit nagkakasayahan doon,” dagdag pa ni Sec Remulla. Bawal din aniya ang nakahubad kapag nasa kalsada kahit mainit ang panahon ay kailangang magsuot ng sando kung lalabas ng tahanan at pagsapit ng 10:00 ng gabi ay wala na ring dapat gumagamit ng videoke. Alinsunod aniya sa Anti-Public Intoxication Act na ipinaiiral sa bansa, ipinagbabawal din ang pagkakaroon ng mga inuman sa kalsada at sa mga pampublikong lugar. “Meron tayong Anti-Public Intoxication Act. Bawal na ang mag-inom sa kalye. Bawal na ang maglatag ng mga silya at ng mga lamesa sa mga kalye at mag-inuman,” paliwanag pa ni Sec Remulla.



