Naaresto ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office ang isang suspek sa dalawang (2) bilang ng kasong Murder sa isinagawang serbisyo ng Warrant of Arrest sa Barangay Tres Cruces, Tanza, Cavite, bandang alas-3:30 ng madaling araw noong Enero 14, 2026.
Ayon sa ulat ni PLtCol Russell Dennis E Reburiano, Chief, PIU, kinilala ang suspek na si Ulysses Hernani Castro Pascual, 46 taong gulang, at residente ng No. 628 Governor Pascual St., Brgy. San Roque, Navotas City.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong dalawang (2) bilang ng Murder, na walang piyansang inirekomenda.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Tracker Team ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) katuwang ang mga tauhan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company, Malolos City Police Station, Navotas City Police Station, CIDG Cavite, at Tanza Municipal Police Station ng Cavite PPO.

Sa oras ng kanyang pagkakaaresto, nasamsam sa kanya ang isang Glock 9mm 43X pistol na may optic sight, may chamber load at nakasalpak na magasin na kargado ng labinlimang (15) bala.
Ang suspek ay isa sa mga itinuturing na suspek sa pamamaslang kina Hon. Ramil Capistrano, ABC President ng Bulacan, at sa kanyang driver na si Shedrick S. Toribio, na naganap sa Brgy. Ligas, Lungsod ng Malolos noong Oktubre 3, 2024.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bulacan PIU ang suspek para sa dokumentasyon at wastong disposisyon. Samantala, ang Warrant of Arrest ay ibabalik sa korte ng pinagmulan habang hinihintay ang pag-isyu ng commitment order.
Ayon kay PCol Angel L Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, “Ang pagkakaaresto sa isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Hon. Ramil Capistrano ay bunga ng masusing pagtutulungan ng mga yunit ng Bulacan Police at ng ating mga katuwang na ahensya. Patuloy ang aming kampanya upang tiyaking mananagot sa batas ang mga kriminal at mapanatili ang kapayapaan at hustisya sa lalawigan ng Bulacan.”



