Mabilis na rumesponde ang kapulisan ng Tuguegarao Component City Police Station sa isang hindi inaasahang insidente na naganap matapos mawalan ng malay ang isang mag-aaral sa Flag Raising Ceremony sa Cataggaman Nuevo Elementary School nito lamang ika-11 ng Agosto 2025.
Sina PEMS Angelicca Lozada, PSSg Jocelyn Ortoyo, PSSg Benjie Velasquez at PCpl Conney Malana ay nakadeploy noon sa paaralan upang pangunahan ang pagtaas ng watawat bilang bahagi ng tradisyonal na Monday Flag Raising Ceremony.

Nang makita nilang may batang nawalan ng malay, hindi na sila nagdalawang-isip na tumulong. Agad nilang nilapitan ang bata at isinagawa ang first-aid para maiwasan ang posibleng mas malalang mangyari sa bata sa tulong ng mga guro at Barangay Officials, habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya.
Matapos ang paunang lunas, agad nilang isinugod ang bata sa People’s General Hospital upang masuri ng mga doktor. Ayon sa pagsusuri, posibleng nawalan ng malay ang bata dahil sa hindi pagkain ng kanyang almusal, na naging sanhi ng pagbaba ng blood sugar level nito.
Sa kasalukuyan, nasa maayos na kalagayan ang nasabing mag-aaral.
Lubos ang pasasalamat ng Principal ng nasabing eskwelahan na si Mrs. Grace Mabasa sa mabilis na aksyon ng mga pulis. Aniya, malaking bagay ang presensiya ng mga kapulisan lalo na sa mga pampublikong lugar gaya ng paaralan, kung saan ay maaaring mangyari ang mga hindi inaasahang sitwasyon.
Isa sa mga mandato ni PNP Chief Police General Nicolas D Torre III ang mabilisang aksyon sa mga insidente na dahilan upas mas paigtingin ang deployment ng kapulisan. Ang pagresponde ng mga kapulisan ay nagpapakita ng dedikasyon ng kapulisan sa paglilingkod hindi lamang sa pagpapanatili ng kaayusan kundi pati na rin sa pagtulong sa komunidad.
Source: Tuguegarao Component City Police Station



