Naaresto ng mga operatiba ng Sasa Police Station ang itinuturing na Top 4 City High Value Individual sa isang operasyon na isinagawa sa Purok 10, Panacan Relocation, Davao City noong Abril 28, 2025.
Ayon kay Police Major Marcille M. Manzano, Acting Station Commander ng Sasa Police Station, kinilala ang 40-anyos na suspek sa alyas na “Reymond.”

Nasamsam mula sa kanyang tirahan ang humigit-kumulang 5.83 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na Php39,644, isang yunit ng kalibre .38 na baril at iba pang ebidensya.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant at sa pakikipagtulungan ng Tactical Support Company (TSC) ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 11.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”, at Republic Act 10591, o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Ang pagkakaaresto sa isa sa mga pangunahing high value targets ng lungsod ay patunay ng walang humpay na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga at krimen. Ang tagumpay ng operasyon ay nagpapakita ng patuloy na dedikasyon ng mga awtoridad sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan para sa ikauunlad ng komunidad.
Panulat ni Pat Shairra Rose A Aquino



