Suspek sa robbery-hold-up at carnapping sa Libmanan, Camarines Sur, arestado; sasakyan at mga baril, narekober

0
269

Mas pinaigting ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sa pamumuno ni PCol Virgilio O. Olalia Jr., Provincial Director, ang malawakang manhunt operations sa buong lalawigan kasunod ng insidente ng robbery-hold-up at carnapping na naganap bandang alas-9:00 ng gabi noong Hunyo 25, 2026, sa Barangay Bahay, Libmanan, Camarines Sur.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Libmanan Municipal Police Station matapos matanggap ang ulat at kaagad na nagsagawa ng hot pursuit operation. Sa direktiba ni Provincial Director PCol Olalia, agad ding isinagawa ng CSPPO ang province-wide operational response sa pamamagitan ng pagpapakilos sa mga karatig na Municipal Police Stations at sa Camarines Sur 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).

Makalipas lamang ang halos dalawampung minuto, o bandang 11:50 ng gabi, matagumpay na naaresto ng mga operatiba ang dalawa (2) sa limang suspek sa Barangay Binahan Upper, Ragay.

Narekober mula sa kanila ang iba’t ibang uri ng baril, mga bala, at ilang gamit na pinaniniwalaang ninakaw sa insidente.

Nagpatuloy ang operasyon hanggang sa isa pang malaking tagumpay ang naitala bandang 3:30 ng madaling-araw ng Hunyo 26, 2026, nang mabawi ng mga awtoridad ang ikalawang getaway vehicle ng mga suspek, isang Toyota Fortuner, na natagpuang inabandona sa Barangay Liboro, Ragay.

Sa kabila ng mahahalagang tagumpay na ito, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng kapulisan dahil tatlo (3) pang suspek ang nananatiling nakalalaya. Tuloy-tuloy ang hot pursuit operations habang isinasagawa ang inventory, dokumentasyon, at forensic examination sa mga nakuhang baril, sasakyan, at iba pang ebidensya upang higit pang mapatatag ang mga kasong kriminal na isasampa laban sa mga suspek. Pinaigting din ang intelligence monitoring at koordinasyon sa iba pang yunit upang matiyak ang agarang pagkakakilanlan, pagtunton, at pag-aresto sa mga natitirang pugante.

Pinuri ni PCol Virgilio O. Olalia Jr. ang lahat ng operatibang lumahok sa operasyon dahil sa kanilang propesyonalismo, dedikasyon, at mabilis na pagtugon. Binigyang-diin niya na hindi titigil ang operasyon hangga’t hindi naihaharap sa hustisya ang lahat ng sangkot sa krimen.

Nananatiling matatag ang Kaogma Cops sa pagsusulong ng adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” sa pamamagitan ng walang humpay na pagpapatupad ng batas, paghahatid ng hustisya, at pangangalaga sa kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng bawat Camarinense.

Sa panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply