Suspek sa pamamaril sa Mabalacat, Pampanga, arestado ng PRO3 sa loob lamang ng 24 oras

0
183

Mabilis na naaresto ng magkasanib na puwersa ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang suspek sa pamamaril na naganap sa Mabalacat City, Pampanga sa loob lamang ng 24 oras matapos ang insidente.

Naaresto ang suspek bandang alas-6:00 ng gabi noong Agosto 6, 2026 sa Partas Bus Terminal sa Pasay City sa pangunguna ng Regional Special Operations Group–Regional Intelligence Division 3 (RSOG-RID3), katuwang ang Regional Drug Enforcement Unit 3 (RDEU3), Pampanga Police Provincial Office–Provincial Intelligence Unit (PIU), at Mabalacat City Police Station. Ang operasyon ay isinagawa kasunod ng pamamaril noong Agosto 5 sa Brgy. Dau, Mabalacat City na ikinasawi ng isang 27-anyos na lalaki habang ginagamot sa ospital.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na matapos barilin ang biktima ay tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo. Agad namang nagsagawa ang mga imbestigador ng follow-up operations, intelligence gathering, pagsusuri ng mga CCTV footage, at masusing koordinasyon sa iba pang police units, na naging daan upang mabilis na matukoy ang kinaroroonan ng suspek at maisagawa ang kanyang pag-aresto.

Pinuri ni PBGen Jess B. Mendez, Regional Director ng PRO3, ang mga operatiba sa kanilang dedikasyon, maagap na pagkilos, at mahusay na koordinasyon. Binigyang-diin niya na hindi nagtatapos ang tungkulin ng kapulisan sa pagresponde sa isang insidente, kundi nagpapatuloy hanggang sa maaresto at maiharap sa hustisya ang mga responsable sa paglabag sa batas.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang naarestong suspek at nahaharap sa kaukulang kasong kriminal. Tiniyak din ni PBGen Mendez na higit pang paiigtingin ng PRO3 ang intelligence-driven operations at inter-unit coordination upang mapabilis ang pagdakip sa mga lumalabag sa batas at patuloy na maihatid sa publiko ang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO 3

Leave a Reply