Suspek na sangkot sa online scam, arestado sa Legazpi City, Albay

0
352

Arestado ang isang 23-anyos na babae sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad kaugnay ng paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) at Cybercrime Prevention Act of 2012 noong Hunyo 5, 2026.

Kinilala ang suspek na si alyas “Jessy” na  residente ng  Legazpi City.

Bandang alas-11:00 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Regional Anti-Cybercrime Unit 5 (RACU5) sa pamumuno ni  PLtCol Wildredo L Velayo Jr., OIC, sa harap ng isang bangko sa Legazpi City, sa pakikipag-ugnayan sa Legazpi City Police Station.

Nag-ugat ang operasyon matapos mamonitor ng mga awtoridad ang isang Facebook account  na nag-aalok umano ng pagbebenta ng ATM account sa isang online group.

Dahil dito, nagsagawa ng cyber patrolling ang mga operatiba na nauwi sa isang entrapment operation at sa pagkakaaresto ng suspek.

Sa operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang isang cellular phone, ATM card na nakapangalan sa kanya, at iba pang kaugnay na ebidensya.

Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa batas at isinailalim sa medikal na pagsusuri bago dinala sa kustodiya ng Legazpi CPS para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, ayon sa pahayag ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay, patuloy ang paalala ng Albay Police Provincial Office sa publiko na maging mapagmatyag sa mga online na transaksyon upang maiwasang mabiktima ng parehong mga panloloko.

Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa cybercrime, alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” na protektahan ang publiko laban sa mga makabagong uri ng krimen.

Leave a Reply