Arestado ang isang babaeng hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos ang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Jose Panganiban Municipal Police Station sa ilalim ng superbisyon ni PMaj Kevin A. Estilles, Chief of Police, bandang alas-2:15 ng madaling-araw noong Mayo 25, 2026 sa Jose Panganiban, Camarines Norte.
Kinilala ang naarestong suspek na may alyas na “Nena,” 50 taong gulang. Naaresto ito matapos bentahan ng hinihinalang shabu ang isang poseur-buyer sa isinagawang anti-illegal drug operation.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang maliit at tatlong medium-sized heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na humigit-kumulang apat (4) na gramo at may Standard Drug Price na tinatayang nasa Php27,200.00.
Narekober din sa operasyon ang isang tunay na limang-daang pisong bill na ginamit bilang buy-bust money.
Agad na isinagawa ng mga operatiba ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng mga mandatory witnesses, kabilang ang mga opisyal ng barangay at kinatawan ng media mula sa Radyo Pilipinas, alinsunod sa itinakdang legal na proseso.
Kasalukuyang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” laban sa naarestong suspek.
Patuloy namang pinaigting ng Jose Panganiban MPS ang kampanya kontra ilegal na droga bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa komunidad, alinsunod sa bisyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”



