“Sumunod sa batas” – paalala ng PNP sa mga motorista para sa ligtas na pagmamaneho

0
749

Mahigpit na pinaalalahanan ng Pambansang Pulisya ang mga motorista na ang pagsunod sa batas-trapiko at paggalang sa awtoridad ay mahalaga upang maiwasan ang disgrasya at kaguluhan sa kalsada.

Ang pagpapaalala ay kasunod ng isang insidente sa Bonifacio Global City (BGC) madaling-araw ng Enero 13, 2026, kung saan nauwi sa pag-aresto ang isang routine Oplan Sita dahil sa iresponsableng pagmamaneho at agresibong asal ng isang rider.

Ayon sa ulat ng Taguig City Police Station, pinara ang isang motorcycle rider na walang plaka at suot lamang ang isang “nutshell” helmet, na malinaw na paglabag sa mga patakaran sa kaligtasan. Sa halip na makipagtulungan, nagpakita umano ang suspek ng senyales ng pagkalasing at nagbitiw ng masasakit na salita laban sa mga pulis, dahilan upang isagawa ang isang legal na pag-aresto. Sa gitna ng insidente, isang pulis ang nasugatan at nasira ang isang police mobile unit.

Binigyang-diin ni PLtGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting Chief, PNP, na ang ganitong pangyayari ay paalala na ang iresponsableng pagmamaneho at kawalan ng disiplina sa kalsada ay naglalagay sa panganib hindi lamang sa sarili kundi pati sa kapwa. Aniya, “A simple traffic stop should never turn into a dangerous situation. Driving without proper safety gear, without complete documents, or while showing signs of intoxication already puts lives in danger.”

Dagdag pa niya, ang mga checkpoint at Oplan Sita ay isinasagawa upang protektahan ang publiko at tiyakin ang kaligtasan sa kalsada, hindi upang mang-abala.

“Hindi ito panghuhuli para lang mang-abala. These operations are meant to keep our roads safe. Kung may pagkukulang, makipag-usap nang maayos at higit sa lahat, sumunod sa batas,” ani PLtGen Nartatez.

Ang suspek ay dinala sa ospital para sa medical evaluation, at kalauna’y nairefer sa Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) ng Taguig CPS para sa tamang disposisyon. Siya ay nahaharap sa mga kasong Malicious Mischief, Direct Assault, at Resistance and Disobedience to a Person in Authority.

Muling nanawagan ang PNP sa lahat ng motorista na magsuot ng tamang protective gear, tiyaking kumpleto ang dokumento ng sasakyan, iwasan ang pagmamaneho nang lasing, at panatilihin ang respeto sa mga nagpapatupad ng batas upang ligtas na makararating sa paroroonan.