Sumpak at hinihinalang shabu, nasamsam ng San Jose Del Monte City PNP; Lalaki, arestado

0
57

Arestado ang isang lalaki ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit ng San Jose del Monte City Police Station matapos ang buy-bust operation sa Brgy. Gumaoc West, City of San Jose del Monte, Bulacan bandang 7:36 ng gabi noong Hulyo 13, 2026.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Reyson M Bagain, Hepe ng SJDM CPS, kinilala ang naarestong suspek na si alyas JR, 21 taong gulang, residente ng Blk. 10, Brgy. Gumaoc West, City of San Jose Del Monte, Bulacan.

Nahulihan ang suspek ng isang sachet ng hinihinalang shabu matapos nitong bentahan ang isang police poseur-buyer kapalit ng marked money.

Nakumpiska mula sa suspek ang marked money, isa pang sachet ng hinihinalang shabu, isang improvised firearm o sumpak, at isang bala ng 12-gauge shotgun.

Nabatid na umabot sa humigit-kumulang limang gramo ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php34,000.00.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng Bulacan Police Provincial Office sa pagsugpo sa ilegal na droga at iba pang anyo ng kriminalidad. Hindi natin bibigyan ng puwang ang mga indibidwal na naglalagay sa panganib sa ating mga komunidad. Kasabay ng ating kampanya kontra droga ay ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na pag-iingat ng mga baril upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan ng bawat Bulakenyo, pahayag ni Police Jay B Baybayan, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office.

Leave a Reply