Smuggled cigarettes, nasamsam ng Zamboanga Norte Maritime Police Station

0
1427

Nasamsam ng mga tauhan ng Zamboanga del Norte Maritime Police Station (MARPSTA) ng PNP Maritime Group, ang tinatayang 170 reams ng Brighton Menthol Cigarettes na pinaniniwalaang smuggled goods, sa isinagawang operasyon sa Dapitan City noong Nobyembre 11, 2025, bandang 7:30 ng gabi.

Sa naturang operasyon, nasabat ng mga operatiba ang isang Ceres Bus Liner (Bus No. 55302 at Plate No. NBQ 5813) na naglalaman ng mga kahon ng sigarilyong walang kaukulang dokumento. Ang nasabing bus ay patungong Bacolod City at minamaneho ni alyas “Rod”.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang mga sigarilyo ay kargamento umano ng isang hindi nakikilalang indibidwal na nagsabing dadalhin ang mga ito sa Escalante City, Negros Occidental.

Tinatayang nasa halagang Php193,000 ang mga nakumpiskang kontrabando na kasalukuyang nasa kustodiya ng Zamboanga del Norte MARPSTA para sa tamang dokumentasyon at disposisyon.

Ayon kay PBGen Lou F Evangelista, Acting Director ng PNP Maritime Group, “Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon at sakripisyo ng ating mga tauhan sa pagpapatupad ng batas sa karagatan at baybaying bahagi ng bansa. Mabilis nating tinutugunan ang lahat ng uri ng iligal na aktibidad sa ilalim ng direktiba ng ating Acting Chief PNP, PLtGen Jose Melencio C Nartatez, Jr., alinsunod sa temang “Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Binigyang-diin din ni PBGen Evangelista na ang naturang operasyon ay alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 10643 (Graphic Health Warnings Law) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng PNP laban sa smuggling at economic sabotage.

Patuloy ang PNP Maritime Group sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas at regulasyon sa karagatan at baybaying bahagi ng bansa upang mapanatili ang kaayusan at mapangalagaan ang pambansang interes.