Muling pinatunayan ng mga tauhan ng Lagawe Municipal Police Station ang kanilang malasakit at dedikasyon sa serbisyo publiko matapos agarang rumesponde sa isang tawag para sa tulong noong gabi ng Marso 4, 2026.
Habang nagsasagawa ng mobile patrol ang mga pulis ng Lagawe, na pinamumunuan ni Police Captain Brenda B. Sumawang, Acting Chief of Police, agad silang rumesponde nang makatanggap ng ulat hinggil sa isang babaeng nakararanas ng matinding pananakit ng dibdib sa Sitio Banao.
Walang pag-aalinlangang nagtungo ang mga rumespondeng pulis sa lugar at ligtas na inihatid ang pasyente sa Ifugao General Hospital upang mabigyan ng agarang atensyong medikal. Dahil sa mabilis at maagap na aksyon ng kapulisan, natiyak na naiproseso agad ang pagsusuri at paggamot sa ginang, na maaaring nakapigil sa mas malalang kondisyon.
Sa isinagawang medical examination, napag-alaman na walang maiiwang tagapag-alaga para sa anak ng pasyente. Sa gitna ng sitwasyon, boluntaryong inako ni PCpl Efren H. Talango ang responsibilidad na pansamantalang alagaan ang bata habang isinasailalim sa pagsusuri at gamutan ang kanyang ina—isang hakbang na sumasalamin sa tunay na diwa ng “to serve and protect.”
Ang insidenteng ito ay patunay na ang Philippine National Police ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kundi maging sa makataong paglilingkod sa komunidad. Sa bawat tawag ng mamamayan, handang umagapay ang kapulisan—may malasakit, kahandaan, at pusong naglilingkod higit pa sa hinihingi ng tungkulin.
Source: Lagawe MPS
Panulat ni Pat Cristina Tapo



