Sekyu na bumaril sa 2 babae sa Pavia, Iloilo, arestado; suspek, katrabaho ng mga biktima

0
240

Arestado ng mga kapulisan ng Pavia Municipal Police Station (MPS) ang isang security guard na suspek sa pamamaril sa dalawang babae sa Pavia, Iloilo, na nagresulta sa pagkasawi ng isa, at ikinasugat ng isa pa kamakailan lamang.

Ayon sa pulisya, nadakip ang 40 taong gulang na suspek sa kanyang bahay sa Barangay Gua-an sa bayan ng Leganes, Iloilo. Napag-alaman na sa parehong kompanya lang ang suspek namasukan kasama ang mga biktima bilang isang CCTV operator at security guard.

Positibo umanong kinilala ng isa sa nakaligtas na biktima ang suspek na siyang bumaril sa kanila. Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang suspek na nasa motorsiklong nakaparada na tila may hinihintay nitong gabi ng Martes. Pagdaan ng mga biktima, sumunod umano ang suspek kung saan doon na niya binaril ang nakatalikod na dalawang babae. Agad namang tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo matapos mangyari ang krimen.

Lumalabas din sa imbestigasyon ng pulisya, na ilang beses na umanong napagsabihan ng nasawing biktima ang suspek kaugnay sa trabaho.

Saad pa ni Police Lt. Garry Tayongtong, Deputy Chief ng Pavia MPS, isinailalim sa proseso ng termination sa trabaho ang suspek. Ngunit bago pa man siya maaresto, hindi na umano pinapasok sa kompanya ang suspek.

Napag-alaman din na may dati nang kaso na may kaugnayan sa baril at reklamo sa pagpapaputok ng baril ang suspek at ngayon ay nahaharap naman sa kasong murder at frustrated murder.

Leave a Reply