Rescue operation sa mga construction workers na natabunan sa pagguho ng lupa sa Tagaytay, mas pinaiigting ng mga awtoridad

0
880

Patuloy ang malawakang rescue operations matapos ang pagguho ng lupa bandang 10:00 AM nito lamang Hulyo 24, 2025 sa Barangay Iruhin West, Tagaytay City, na nagdulot ng pagbagsak ng perimeter wall at pagkatabunan ng barracks ng naipit na apat na mga construction workers.

Kinilala ni PLtCol Jefferson P. Ison, Hepe ng Tagaytay Component City Police Station, ang mga biktima sa mga alyas na “Jose”, “Nonong”, “Armond”, at “Mark”, pawang mga residente ng Barangay Iruhin West.

Pinagsanib na pwersa ng BFP Tagaytay, Tagaytay City Rescue, LGU Tagaytay, Tagaytay CCPS, Silang MPS, Silang LGU, CPMFC Cavite, mga opisyal ng Barangay Cabangaan, BFP Silang, at Silang Rescue ang nagsasagawa ng operasyon upang mailigtas ang mga natitirang biktima.

Sa pinakahuling ulat, isang biktima ang nasawi, isa ang nailigtas at dinala sa Ospital ng Tagaytay, habang patuloy ang retrieval operations para sa dalawa pang nawawala.

Nakumpirma rin na ang bumagsak na perimeter wall ay nasa Barangay Cabangaan, Silang, habang ang tinamaan na barracks ay sakop ng Barangay Iruhin West, Tagaytay City.

Bilang paghahanda sa panganib dulot ng masamang panahon, nagsagawa na ng preemptive patrol at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ang Tagaytay CCPS, sa pamumuno ni PLtCol Ison, upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Mahigpit na pinapayuhan ang publiko na umiwas sa lugar ng insidente upang hindi maantala ang operasyon ng mga rescuer at maiwasan ang karagdagang panganib.

Source: Cavite PPO