Arestado ng Philippine National Police (PNP) ang itinalagang Rank 7 Most Wanted Person (MWP) sa lalawigan ng Ifugao matapos itong madakip sa bayan ng Kiangan, Ifugao kamakailan lamang.
Kinilala ng pulisya ang nasabing MWP na si alyas “Wigan”, 60, na may kasong rape at residente ng Bokiawan ng parehong bayan.
Nanguna sa pag-aresto ng suspek ang mga operatiba ng Kiangan Municipal Police Station, katuwang ang mga tauhan ng 1st Ifugao Provincial Mobile Force Company, Ifugao Provincial Police Office Intelligence Unit, RMFB 1501st MC, PIT Ifugao-RIU 14, at ang Regional Intelligence Division.
Sa isa pang hiwalay na operasyon, hinuli naman ng mga tauhan ng Hingyon Municipal Police Station ang isang 49-anyos na residente sa nasabing bayan sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610.
Sa pamamagitan ng mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” mas titiyakin pa ng buong himpilan ang pagtugis sa lahat ng mga may sala sa batas upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng ating mga komunidad.



