Arestado ang Top 3 Regional Most Wanted Person sa kasong murder sa isinagawang pinaigting na manhunt operation ng Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR) sa Barangay Mabigo, Canlaon City, dakong alas-2:53 ng hapon noong Hulyo 7, 2026.
Ang operasyon ay isinagawa ng Canlaon City Police Station sa ilalim ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO), na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na kinilala sa alyas na “Jon,” 53 taong gulang, at residente ng Sitio Kalubihan, Barangay Linothangan.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng isang warrant of arrest kaugnay ng kasong murder. Ayon sa imbestigasyon, nakipagsabwatan umano ang akusado sa kanyang mga kasamahan sa pamamaril na ikinasawi ng biktima sa Sitio Kalubihan, Barangay Linothangan.
Kaagad na ipinaalam sa akusado ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan alinsunod sa batas, kabilang ang Miranda Rights at mga probisyon ng Anti-Torture Act, sa wikang kanyang nauunawaan. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Canlaon City Police Station para sa kaukulang proseso ng batas.
Ang matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa layunin ng SAFE NIR Program na palakasin ang pagpapatupad ng mga kautusan ng hukuman, paigtingin ang koordinasyon ng mga yunit ng pulisya, at tiyaking mabilis na naihaharap sa hustisya ang mga nagtatago sa batas.
Higit pa sa simpleng pag-aresto, ipinakikita ng operasyon ang dedikasyon ng PNP sa pagbibigay ng seguridad at kapanatagan sa bawat komunidad. Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na manhunt operations, pinatitibay ng PRO-NIR ang tiwala ng publiko na walang puwang ang mga kriminal at walang ligtas na kanlungan ang mga pugante sa rehiyon.
Kaakibat ito ng adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman,” kung saan ang bawat matagumpay na operasyon ay patunay ng isang pulisyang maagap, tapat sa tungkulin, at tunay na nararamdaman ng mamamayan sa pangangalaga ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat Pilipino.
Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos



