Rank 2 Most Wanted Person ng Bicol sa kasong murder, arestado sa Samar

0
80

Arestado ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang Rank 2 Most Wanted Person sa Bicol Region noong Setyembre 12, 2026 sa lalawigan ng Samar.

Kinilala ang 36 anyos na suspek na si alyas “Angie,” tubong Batuan, Masbate, at nahaharap sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.

Isinagawa ang operasyon dakong alas 5:05 ng hapon ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division 5 Tracker Team 3 bilang lead unit, katuwang ang Daram Municipal Police Station at Legazpi City Police Station, batay sa warrant of arrest na inilabas ng korte noong Agosto 10, 2026.

Sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Randy Glenn G. Silvio, Regional Director ng PRO 5, muling pinatunayan ng kapulisan na walang ligtas na lugar para magtago at tumakas sa batas. Sa pamamagitan ng intelligence gathering, koordinasyon at tracker teams, patuloy na natutunton ang mga wanted person kahit lumipat pa ang mga ito sa ibang lugar.

“Walang kriminal na makapagtatago habambuhay. Kahit saan pa kayo magtago, matutunton at matutunton namin kayo,” pahayag ni PBGen Silvio.

Samantala, tiniyak din nito na magpapatuloy ang PRO5 sa pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person upang maiharap ang nga ito sa korte at managot alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply