Puerto Princesa CPO, nagsagawa ng serbisyong pulis sa barangay at ELCAC programs sa Ugnayan sa Barangay 2025

0
1231

Bilang bahagi ng programang Ugnayan sa Barangay 2025, nagsagawa ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) sa pangunguna ni PCol Cristine M. Tabdi, Acting City Director, ng Serbisyong Pulis sa Barangay at ELCAC programs sa Barangay Marufinas at Barangay New Panggangan, Puerto Princesa City noong ika-2 ng Setyembre 2025.

Layunin ng nasabing aktibidad na mailapit ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga residente lalo na sa mga malalayong lugar. Pinangunahan ng PPCPO ang pagbibigay ng serbisyo katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lucilo R. Bayron, kasama ang City DILG, Sangguniang Panlungsod, Barangay Officials, City Health Office, City Agriculture Office, at mga kinatawan mula sa Philippine Marines.

Sa kanilang aktibong partisipasyon, muling pinatunayan ng PPCPO ang kanilang malasakit at dedikasyon na maihatid ang mga pangunahing serbisyo at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bawat komunidad. Ipinakita rin ng programa ang kahalagahan ng pagtutulungan ng kapulisan at ng iba pang sektor ng pamahalaan upang masiguro ang seguridad at kaunlaran ng mga mamamayan.

Bukod sa pagbibigay ng serbisyo, binigyang-diin din ng PPCPO ang pangangailangang mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng komunidad at kapulisan bilang pundasyon ng mas ligtas at mas mapayapang pamayanan. Ang aktibidad ay nagsilbing pagkakataon upang mas mailapit ang mga pulis sa mamamayan at maipadama ang tunay na Serbisyong Pulis.

Patunay ang matagumpay na aktibidad na ito na ang PPCPO ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang tungo sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo at sa pagsusulong ng kapakanan ng bawat mamamayan bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaunlaran.

Source: Puerto Princesa City Police Office

Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla