Project P.A.I.L.A.W., naghatid ng serbisyo at malasakit sa Caba, La Union

0
87

Patuloy na inilalapit ng kapulisan ang serbisyo at malasakit sa mga komunidad na nangangailangan nito sa pamamagitan ng Project P.A.I.L.A.W. (Pagtulong at Aktibong Inisyatiba para sa Ligtas, Alerto at Wastong Pagbabantay) ng Caba Municipal Police Station.

Noong Agosto 22, 2026, isinagawa ang naturang proyekto sa Brgy. San Cornelio, isa sa mga bulubunduking Brgy. ng Caba, La Union, sa pangunguna ni PCpt Willie R. Maglaya, Officer-in-Charge ng Caba Municipal Police Station.

Ang San Cornelio ang ikalawang barangay na napuntahan ng Project P.A.I.L.A.W. mula nang ilunsad ito noong Marso 2, 2026. Layunin ng programa ang maghatid ng tulong at malasakit sa mga komunidad, gayundin ang higit pang pagpapatibay ng ugnayan at pagtutulungan ng kapulisan at mamamayan tungo sa isang ligtas at mapayapang pamayanan.

Bilang bahagi ng aktibidad, 20 Barangay Tanod ang pinagkalooban ng mga flashlight na kanilang magagamit sa night patrol at emergency response. Ang mga flashlight ay nagsisilbing simbolo ng gabay, pagbabantay at kahandaan ng mga tanod sa pagtugon sa anumang insidente sa kanilang komunidad.

Samantala, naghatid naman ng saya sa 40 bata ang pamamahagi ng mga payong at bota, na sinabayan ng isang feeding activity. Naging makulay ang aktibidad dahil sa mga nag-uumapaw na kagalakan ng mga bata na sumasalamin sa positibong epekto ng simpleng pagtulong at malasakit.

Naging posible ang naturang outreach activity sa pamamagitan ng suporta nina Mr. Romeo Aquino at Mrs. Marilyn Aquino, mga may-ari ng Crown Legacy Hotel at Pines View Hotel sa Baguio City, kasama si Ms. Mary Anne Maglaya, na personal ding nakibahagi sa aktibidad.

Sa pamamagitan ng Project P.A.I.L.A.W., patuloy na isinusulong ng Caba MPS ang serbisyong hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng seguridad, kundi higit na nakasentro sa pagiging malapit sa mamamayan, maagap sa pagtugon, at may malasakit sa bawat komunidad, lalo na sa mga malalayong lugar.

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Spurce: Caba MPS

Leave a Reply