Nagsagawa ng Medical, Dental Mission at Community Outreach Program na tinaguriang “Puso para sa Isla” ang Regional Mobile Force Battalion 4A sa Barangay San Antonio at Barangay Agapitom, Isla Verde, Batangas nitong araw ng mga puso, Pebrero 14, 2024
Katuwang sa programa ang Regional Police Community Affairs and Development Unit (RPCADU) 4A, Batangas Police Provincial Office, Philippine Army, Philippine Coast Guard, Non-Government Organizations at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ang mga serbisyong naihatid sa nasabing programa ay ang libreng konsulta, pamamahagi ng libreng gamot at mga bitamina, libreng bunot, libreng gupit, pamimigay ng tsinelas sa mga bata, pamamahagi ng food packs, mga gamit pang-eskwela at mga assorted/pre-loved clothes, pagpapakain at hindi rin nawala ang palaro sa mga kabataan.

Nagbigay kaalaman rin ang mga kapulisan sa talakayan patungkol sa Crime Prevention, Drug Education Prevention and Control (Republic Act 9165), Safe Spaces Act (Bawal Bastos Law), Violence Against Women and Children (VAWC) at Anti-terrorism.
Naghandog din ng school supplies, 39 na piraso ng reading materials, 100 pakete ng candies at libreng tsinelas sa 173 na istudyante ng San Agapito Elementary School, Batangas.

Humigit kumulang 700 na residente kabilang na rito ang mga senior citizens, person with disabilities, at mga Indigent Peoples (IPs) ang nabigyan ng benepisyo at nahatiran ng saya at pag-asa sa Isla ng Batangas.
Labis naman ang pasasalamat ng mga residente sa programang hatid ng kapulisan katuwang ang ibang ahensya ng gobyerno lalo na at espesyal sa karamihan ang araw ng mga puso.

Ang layunin ng nasabing aktibidad “Puso para sa Isla” ng ating kapulisan ay upang maipadama sa ating mga kababayan ang programa ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang mga kababayan nating nasa mga liblib na lugar tungo sa Bagong Pilipinas.
Source: RPCADU4A
Panulat ni Patrolwoman Maria Sarah P Bernales