PRO6, patuloy na pinapalakas ang kakayahan sa pagtugon sa Cybercrime sa Western Visayas

0
35
Screenshot

Patuloy na pinalalakas ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mga cybercrime upang mas maprotektahan ang mga mamamayan ng Western Visayas laban sa patuloy na pagdami at pagbabago ng mga online na krimen.

Batay sa datos ng Regional Anti-Cybercrime Unit 6 (RACU 6), naitala ang kabuuang 18 kaso ng cybercrime sa rehiyon noong Mayo 2026, habang karagdagang apat na kaso ang naidokumento sa unang bahagi ng Hunyo, kaya umabot sa 22 ang kabuuang bilang ng mga kasong naitala sa naturang panahon. Kabilang sa mga naitalang insidente ang estafa, identity theft, cyber libel, paglabag sa Data Privacy Act, anti-photo and video voyeurism, mga kasong may kaugnayan sa online sexual abuse and exploitation, at iba pang cyber-enabled crimes.

Bilang tugon sa mga lumalawak na hamon na ito, pinagtibay ng PRO6 ang kanilang cybercrime response capability sa pamamagitan ng pagbubukas ng RACU 6 Satellite Office sa Sigma, Capiz. Isinagawa ang blessing at ribbon-cutting ceremony nito noong Hunyo 9, 2026, na inaasahang magpapabilis sa pagresponde sa mga reklamo, magpapahusay sa koordinasyon ng imbestigasyon, at magpapalapit ng serbisyong cybercrime sa publiko.

Pinangunahan ang aktibidad ni PRO6 Acting Regional Director, PBGen Randulf T. Tuaño kasama ang mga opisyal ng PNP Anti-Cybercrime Group, mga lokal na pinuno, kinatawan ng iba’t ibang ahensya, at iba pang stakeholders na nagpahayag ng suporta sa mas pinatibay na kampanya laban sa cybercrime sa Western Visayas.

Binigyang-diin ni PBGen Tuaño na ang cybercrime ay hindi na lamang limitado sa mga malalaking lungsod at maaari nang makaapekto sa sinumang gumagamit ng digital na teknolohiya para sa komunikasyon, negosyo, edukasyon, at transaksyong pinansyal.

Ang patuloy na pagpapalakas ng kakayahan sa pagtugon sa cybercrime ay patunay ng layunin ng PRO6 na isulong ang isang responsable, maaasahan, at makabagong kapulisan tungo sa mas ligtas na Western Visayas, alinsunod sa PNP Focus Agenda at sa bisyon ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” sa pamumuno ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Leave a Reply