PRO2, nagtala ng sunod-sunod na tagumpay sa isinagawang SACLEO

0
335

Muling nagpakita ng matibay na resulta ang Police Regional Office 2 (PRO2) matapos magtala ng makabuluhang accomplishments sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) na sumaklaw mula January 8-14, 2026.

Sa pinaigting na kampanya laban sa mga wanted persons, matagumpay na naisagawa ang dalawang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 2 Most Wanted Persons at 70 iba pang wanted person na isinagawa sa iba’t ibang lalawigan ng Rehiyon Dos.

Sa kampanya kontra ilegal na droga, matagumpay na naisagawa ang 16 na operasyon na nagbunga ng pagkakaaresto ng 19 na suspek at pagkakasamsam ng 69.83 gramo ng hinihinalang shabu na umaabot sa Php407,844 ang tinatayang halaga.

Samantala, sa pagpapatupad ng batas laban sa illegal gambling, 13 operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 96 indibidwal, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na sugal sa rehiyon.

Sa pagpapatupad ng RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”, isang operasyon ang naisagawa na nagbunga ng pagkakaaresto ng isang indibidwal at pagkakakumpiska ng isang baril. Bukod pa rito, 22 na baril ang boluntaryong isinuko mula sa komunidad.

Sa kampanya laban sa paglabag sa PD 705 (Revised Forestry Code), apat na operasyon ang naisagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 8 indibidwal at pagkakasamsam ng 2,222.2 board feet ng iligal na kahoy na may tinatayang halagang Php183,265.

Ayon kay PBGen Antonio P. Marallag, Jr, Regional Director, ang mga nasabing accomplishments ay patunay ng tuloy-tuloy na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon, alinsunod sa Focused Agenda ng CPNP na nakatuon sa community engagement, intensified operations, at transparency in policing.

“Ang mga tagumpay na ito ay bunga ng walang humpay na pagsisikap ng ating kapulisan at ng patuloy na pakikipagtulungan ng komunidad. Patuloy naming paiigtingin ang aming mga operasyon upang masigurong ligtas at mapayapa ang Rehiyon Dos para sa lahat,” ani PBGen Marallag.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1BHSpHYQBp/